COMICS Artists and Writers,Together Again!

Wednesday, March 23, 2011

At

Walang paglagyan ang kasiyahang nadarama ng ating mga kasama sa industriya ng komiks noong nakaraang Marso 11, 2011 nang magsama-samang muli ang mga batikang writers at illustrators sa reunion ng Atlas Komiks na tinawag na Together Again na ginananap sa compound ng kompanya.



Makaaraan ang mahaba-haba na ring taong  nawala ang mga traditional na komiks, (tulad ng Pilipino, Hiwaga, Espesyal, Tagalog, Horoscope, Love Story, Happy, Ghost at iba pa) ngayon lang nagkararoon ng ganitong napakalaking pagtitipon ang mga taga-komiks. Kasing init ng panahon ang mainit  na pagdating ng napakaraming taga-komiks. Hindi lang ito mga taga-Atlas, pero kahit saang publication ay welcome. Bumaha ang pagkain na inihanda ng Atlas at mga pagkaing dala rin mga taga-komiks. Muli ay nagkita-kita ang mga pangalang  Rod Santiago, Hal Santiago, Steve Gan, Rico Rival, Jun Lofamia, Nestro Malgapo, Danny Acuña, ang magkapatid na Louie at Jun Celerio, Nar Castro, Ding Abubot, Rey Arcilla, Al Cabral, Randy Valeinte, Danny Lorica, Tina Fransisco, Jason Saldajeno, Emerico Juarez, Noly Zamora, Arnulfo Rena Cruz, Armando dela Cruz, Rodelio “Toti” Cerda, Rod Manuel, Orvy Jundis, Ed Sajilan, Clem Rivera at iba pa. Sa hanay naman ng komiks scripwriter nandoroon naman ang pinagpipitaganang si Elena Patron, Gilda Olvidado, Glady Gimena, Leslie Navarro, Danny Ocampo, Nick Astronomo, Bong Ty Dazo, Imelda Estrella, Clerbie Andrade, Renato Custudio Jr., Arman T. Fransisco, Itto Malgapo, Beth Licuion-Rivera, Bobby Villagracia, RJ Nuevas,Ysidore Avila, Roger Nicholas, Geraldine C. Monzon, TJ Antazo, Rey Atalia, Jose Daloe, Joseph Balboa at  Ravenson Bizon. Dumating din sina  Ofelia Concepcion, Alex Cruz, Balot Antazo, Sally Eugenio, at marami pang iba.


Hindi rin pinalampas ng mga apo ng yumaong si Pablo Gomez ang araw na ito. Sina Dave Shawn Gomez-Garcia at pamangkin ni Rene Clemente na si Gerry Clemente.



Marami ang di makalilimot sa araw na ito, lalo pa nga at lubos na pinaghandaan ng Atlas, sa pamumuno ni Terry Bagalso ang pagtitipong ito. May inihandang video, mga original illustrations na makikita sa paligid ng lugar na pinagdausan.  Di matapus-tapos na kuwentuhan, balitaan, kainan, kantahan at tawanan ang araw na iyon.




Bumaha rin ang Cotton Club apparel nang araw na iyon at lahat ay may uwing loot bag mula sa nasabing kumpanya. Nagpaunlak si Ria Garcia, endorser ng Cotton club at ang Marketing manager na si Joel Capulong. Marami kayong napaligaya dahil masarap at kumportableng isuot ang Cottong club.



Hindi rin naman pinalampas ng Atlas president na si Mr. Benjamin Ramos ang araw na iyon. Ang pagbibigay niya ng makabuluhang pananalita ay nagbigay ng saya at pag-asa sa mga taga-komiks. Ganoon din naman ang pagbibigay salita ni Mr. Deo Alvarez, General Manager ng Atlas na nagsabing makabubuo tayo ng kakaiba pang babasahin sa tulong pa rin ng lahat.
Base sa artikulo ni Terry Bagalso para sa Moviestar Magazine March 28, 2011 issue

You Might Also Like

0 comments