“HALOS LAHAT NG IPON KO, SA BABAE NAPUNTA!” LONG MEJIA, UMAMIN KAY CHARO CORDIAL NG MADDOX JEWELRY
Friday, October 09, 2026Mula sa matinding kahirapan hanggang sa pagkalunod sa tagumpay—walang preno si Long Mejia sa pag-amin sa mga naging pagkakamali niya nang magsimula siyang sumikat at kumita sa showbiz.
Sa kuwentuhan nila ni Charo Cordial ng Maddox Jewelry, diretsahang inamin ng komedyante na malaking bahagi ng perang dapat sana’y naipon niya ay napunta sa good time at mga babae.
“Pagka ang tao, nadadala ka ng tagumpay mo, nalulunod ka,” pag-amin ni Long.
Ayon sa komedyante, galing siya sa hirap kaya nang magkaroon ng pera, natikman niya ang mga bagay na hindi niya naranasan noon.
Nang tanungin kung karamihan ba ng kanyang ipon ay napunta sa mga babae, walang paligoy-ligoy niyang sagot: “Oo.”
Hindi rin niya itinanggi ang kuwentong sinuportahan at pinag-aral niya ang isang naging side chick.
“Nakapagtapos siya, nakaayos siya ng buhay niya,” kuwento niya, sabay sabing napatawad din siya ng kanyang asawa sa mga nangyari.
Inamin din ni Long na dumating sa puntong yumabang siya dahil sa kasikatan.
Naging late umano siya sa taping at minsan ay halos ala-una na dumating sa isang noontime show na alas-dose dapat ang simula.
Kaya naman may payo siya sa mga bagong artista ngayon:
“Pakamahalin n’yo yung trabaho n’yan.”
Malayo ang buhay na iyon sa pinanggalingan ni Long.
Bago ang showbiz, nagtitinda siya ng T-shirt sa kalsada para mabuhay. Ikinuwento rin niyang naranasan niya ang matinding gutom at kahirapan habang ang kanyang ina naman ay nagtitinda ng prutas sa Divisoria matapos maagang pumanaw ang kanyang ama.
Sa sobrang hirap, sinabi pa niyang naranasan niyang kainin ang “pinagpagpagan ng pagpag.”
“Naranasan mo talaga ’yun?” tanong ni Charo.
“Talaga,” sagot ni Long.
Pero nang dumating naman ang panahon na bumagsak ang kanyang career at wala siyang show, isa sa mga taong hindi niya nakalimutan ay ang Comedy King na si Dolphy.
Kuwento ni Long, minsang lumapit siya kay Dolphy noong kailangan niya ng pambayad sa tuition. Walang maraming salita, palihim umano siyang inabutan nito ng tseke.
Pagtingin niya—₱50,000.
“Alam niya na kailangan mo?” tanong ni Charo.
“Oo,” sagot ni Long.
Para sa komedyante, hindi na kailangang magsalita ni Dolphy para tumulong.
May nakakatawa rin siyang kuwento tungkol kay Manny Pacquiao.
Minsan daw ay binigyan siya ng boxing legend ng Rolex. Nang ipasuri niya, sinabing peke ito kaya binalikan niya si Manny—na tawa lang nang tawa.
Prank pala ang lahat.
“Ang totoo nun, binigyan niya ako ng original na Rolex,” kuwento ni Long.
At hindi lang relo ang natanggap niya kay Manny. Nang mawalan siya ng sasakyan, sinabi rin niyang binigyan siya nito ng kotse.
Pero may isa pang nakakatawang pag-amin si Long tungkol sa Rolex: naibenta na raw niya ito.
“Alam na ba ni Manny na binenta mo?” tanong ni Charo.
“Hindi pa alam ni Manny,” sagot niya.
“Hindi ako nahihiya kay Manny eh. Nahihiya ako kay Jinkee,” biro pa ni Long.
Sa likod ng mga patawa, malinaw ang naging takbo ng kuwento ni Long—mula sa hirap, nakatikim ng tagumpay, nagkamali, nawalan, at natutong pahalagahan muli ang trabaho at mga taong tumulong sa kanya.
At kung may isang leksiyong gusto niyang ipabaon sa mga bagong artista, simple lang: huwag hayaang malunod sa tagumpay at huwag kalimutang mahalin ang trabahong nagbigay sa kanila ng pagkakataon.
Para sa iba pang updates, maaaring sundan ang official Facebook, TikTok, at YouTube pages ng Maddox Jewelry.













0 comments