"MULA HIRAP HANGGANG HASHTAG SUCCESS!” Pokwang at Ms. Charo, Inspirasyon ang Buhay Story
Sunday, May 17, 2026
Hindi lang simpleng chikahan habang namimili ng alahas ang namagitan kina actress-host na si Pokwang at Charo Cordial nang bumisita ang una sa showroom ng Maddox Jewelry na matatagpuan sa JP Rizal Street, Concepcion Uno, Marikina City. Nauwi pa ito sa isang masinsinan at makabuluhang podcast tungkol sa buhay, tagumpay, at pamilya.
Dalawampu’t dalawang taon na sa industriya si Pokwang kaya naman na-curious si Ms. Charo kung ano ba talaga ang mas mahirap gawin—ang magpaiyak o magpatawa?
“Para sa akin, mas mahirap ang comedy. Minsan wala ka sa mood pero kailangan mong humarap sa tao na masaya ka. Minsan naman, kailangan mong tantyahin ang crowd,” pagbabahagi ni Pokwang.
Aminado rin ang komedyante na ibang-iba na raw ang pagpapatawa ngayon kumpara noon dahil mas sensitibo na ang audience.
“Parang lumiliit na ang mundo ng comedy,” dagdag pa niya.
Naging open book din si Pokwang tungkol sa hirap ng buhay na pinagdaanan niya noon. Kuwento niya, lumaki silang salat sa buhay at wala man lang telebisyon kaya nakikinood lang sila sa kapitbahay at sumisilip sa bintana.
Dito raw niya napatunayan ang kapangyarihan ng dasal. Ipinagdasal daw niyang mabago ang takbo ng kanyang buhay kaya bago naging artista ay nagtrabaho muna siya bilang OFW.
Hindi rin daw niya inakalang papasukin niya ang mundo ng showbiz.
“Hindi talaga! Kasi kapag sinabi mong artista, dapat mestiza, maganda. Buti na lang talaga at nagbukas ang pinto para sa mga katulad namin,” natatawang sey ni Pokwang.
Naka-relate naman si Ms. Charo sa kuwento ni Pokwang dahil naranasan din daw niyang maki-betamax at makinuod lang noong kabataan niya.
Kung labingdalawa silang magkakapatid ni Pokwang, walo naman sila ni Ms. Charo. At kung may isang habit man daw siyang hindi kayang i-break, ito ay ang palaging pag-check sa kanyang mga magulang na nasa Bicol.
Dito na nagkapalitan ng tanong ang dalawa at si Pokwang naman ang nagtanong kay Ms. Charo kung ano ang gusto niyang ipagpasalamat sa kanyang mga magulang.
“Ngayong nandito na tayo sa totoong buhay, may mga anak at sariling pamilya, doon mo mare-realize lahat. Masasabi mo na lang talaga, ‘Ma, thank you. Pa, thank you,’” emosyonal na pahayag ni Ms. Charo.
Si Pokwang naman, sinabi niyang lalo niyang na-appreciate ang kanyang ina nang manganak siya sa panganay niyang anak na lalaki.
Halos magkapareho rin daw sila ng naging misyon sa buhay, ang mabigyan ang kanilang mga magulang ng buhay na dati’y pinapangarap lamang nila.
Bilang parehong ina, nagkasundo rin sila na mas kailangang tutukan ngayon ang mga anak lalo na sa epekto at impluwensiya ng social media.
Bukod dito, ibinahagi rin nila ang mga dating pangarap na propesyon na malayong-malayo sa kung ano sila ngayon bilang matagumpay na actress at businesswoman.
Mapapanood ang buong podcast nina Pokwang at Ms. Charo sa Facebook, YouTube at TikTok pages ng Maddox Jewelry.





.jpg)









0 comments