SJDM Mayor Arthur Robes & Rep. Florida Robes maigiting ang pagtutok sa banta ng CoVid-19

Saturday, March 14, 2020

 Sa isinagawang press conference ipinahayag ni Mayor Arthur B. Robes na ayon sa DOH ay kasalukuyan ng stable ang kondisyon ng unang kompirmadong kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng San Jose del Monte sa katauhan ni Patient No. 21. Habang patuloy din ang isinasagawang pagtukoy sa mga taong nagkaroon ng close contact sa pasiyente upang isailalim sa home quarantine at maobserbahan sa loob ng 14 na araw.

Ipinabatid din ni Mayor Robes na agad itong tumugon sa direktiba ng DILG na bumuo ng Task Force on the Emerging and Re-emerging Infectious Diseases o Task Force ERID na direktang nakatutok sa pinaigting na pagbibigay impormasyon sa publiko kung paano maiiwasan ang COVID-19.

Sa tulong din ng 650 Barangay Health Workers, 130 City Health Personnel, at mga tanggapan ng pamahalaang lungsod ay mas pinalawak ang awareness campaign kabilang na ang pamamahagi ng information materials at pagsasagawa ng mga paglilinis at disinfection.

Nagpalabas na rin ng abiso ang lokal na pamahalaan sa pagpapaliban sa pag-organisa at pagdalo sa mga malalaking pagtitipon. Inatasan na rin ang lahat ng may-ari at namamahala sa mga business establishments sa lungsod na magpatupad ng preemptive measures para sa lahat ng kanilang customers.

Mayor Arthur Robes and Rep. Florida Robes
of San Jose Del Monte, Bulacan

Nagsagawa rin kahapon ng inspeksiyon si Mayor Arthur Robes sa ating Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte, na isa lamang Level 1 Hospital upang tiyakin na nakahanda ang itinalagang Temporary Isolation Room at Marked Vehicle na gagamitin sa pagbiyahe ng mga pasiyente na hinihinalang infected ng COVID-19.

Binisita rin ni Mayor Robes ang mga private hospitals sa lungsod na nakahandang tumanggap ng mga pasiyenteng maaaring may COVID-19. 

Katulong rin ang mga binuong Barangay Health Emergency Response Team sa pag-monitor ng mga Persons Under Monitoring (PUM) na naka-home quarantine sa loob ng 14 na araw.

Aprubado na rin sa isinagawang emergency session ng Sangguniang Panlungsod ng San Jose del Monte ang realignment ng calamity fund upang magamit sa pagbili ng mga protective equipment at iba pang mga kailangan sa panahon ng krisis.

Samantala, tiniyak naman ni Congresswoman Florida P. Robes na handa itong makipag-ugnayan sa national agencies upang matulungan ang lungsod na labanan ang paglaganap ng COVID-19.

Nanawagan din ito sa bawat pamilyang San Joseño na huwag matakot at maging tapat sa ating lokal na pamahalaan at mga awtoridad kung may sintomas ng COVID-19.

#CSJDM
#SJDMPIO

You Might Also Like

0 comments